Ibinahagi ni Kate Antonette Halos, direktor ng pelikulang “Kapirasong Lilim” ng Isabela State University Echague Campus na nagwagi sa ARB Category ng PelikulAgraryo 2026, ang inspirasyon sa likod ng kanilang pelikula.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kate, ikinuwento nito na ang “Kapirasong Lilim” ay hango sa buhay ng isang magsasaka na isang Agrarian Reform Beneficiary (ARB) Member mula Santiago City, Isabela.
Ang pelikula ay sumasalamin sa problemang kinahaharap ng mag magsasaka pagdating sa hindi pagkakaroon ng sariling lupa sa kabila ng ilang dekadang pagsasaka.
Bago matapos ang school year 2025 at 2026 ay naimbitahan ang kanilang team na may 15 miyembro na lumahok sa naturang kompetisyon.
Inabot naman ng talong buwan ang kanilang pagbuo sa naturang pelikula.
Sa pamamagitan ng pagkukwento, nais ni Kate na mas mapahalagahan ng komunidad ang mga magsasaka at maimulat ang kanilang kamalayan sa kanilang tunay na kalagayan.
Hindi umano inasahan ng kanilang team na hihiranging kampeon ang kanilang pelikula sapagkat magaganda at makabagbag damdamin din ang entry ng labintatlong iba pang film makers sa ARB category.
Aniya, halos limang taon na siyang gumagawa ng pelikula kaya naman tila na-validate ito nang siya ay gawaran din ng parangal bilang best director kaya naman mas nabuhayan siya ng loob na gumawa pa ng mas maraming pelikula.
Ang team ni Kate ang kakatawan sa Rehiyong Dos sa national level ng PelikulAgraryo 2026 sa pamamagitan ng “Kapirasong Lilim.”











