--Ads--

Opisyal nang natanggap ng Office of the Ombudsman ang partial report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng bilyon-bilyong pisong katiwalian sa mga proyekto sa flood control sa bansa.

Kinumpirma ni Assistant Ombudsman Mico Clavano ang pagtanggap sa dokumentong ipinadala mula sa tanggapan ni Senador Panfilo Lacson. Ayon kay Clavano, ang mga mahahalagang impormasyon mula sa ulat ay ibibigay sa mga team na humahawak sa mga kaso ng flood control para sa kanilang pagsusuri at posibleng paggamit sa imbestigasyon.

Dahil sa kakulangan ng pirma upang pormal na maihain ang report sa plenaryo, dinaan ni Lacson ang paglalabas ng natuklasan sa pamamagitan ng isang privilege speech. Sa hakbang na ito, epektibong nalampasan ng senador ang legislative deadlock at naipasok ang mga natuklasan sa opisyal na record ng Senado.

Dahil dito, maaari na ring gamitin ng Department of Justice (DOJ) at ng Ombudsman ang mga inisyal na ebidensya laban sa mga indibidwal na idinadawit sa kontrobersya.

--Ads--

Muling binigyang-diin ni Lacson ang rekomendasyong sampahan ng kaso ang mga sumusunod na opisya kabilang sina Sen. Francis Escudero, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Dating House Speaker Martin Romualdez at Dating Congressman Zaldy Co

Target pa ng komite na busisiin ang tinatawag na “allocables” at “leadership funds.” Susuriin din ang mga liham mula sa mga mambabatas upang makabuo ng malinaw na paper trail na mag-uugnay sa kanila sa mga anomalosong infrastructure projects.

Sa kasalukuyan, kulang pa ng dalawang pirma ang partial committee report upang pormal itong maisalang sa debate at maaksyunan ng buong Senado bilang isang ganap na dokumento ng kapulungan.