--Ads--

Nabahala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa patuloy na pagdami ng presensya ng mga Chinese militia at research vessels sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela, na-monitor ang limang Chinese research vessel sa lugar noong nakaraang linggo, habang halos araw-araw ay may tatlo hanggang apat na barko pa ring namamalagi sa naturang bahagi ng karagatan.

Batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), kinakailangan ang pahintulot ng Pilipinas bago magsagawa ng marine scientific research ang mga dayuhang barko sa loob ng EEZ, ngunit giit ng PCG, wala umanong ganitong awtorisasyon ang mga barkong Chinese na kanilang naobserbahan.

Iniulat din ng PCG ang presensya ng mga Chinese militia vessels malapit sa Pag-asa Island at Escoda Shoal.

--Ads--

Nakita rin ang ilang barko ng China sa panahon ng pagbisita ni Senator Kiko Pangilinan sa naturang mga lugar.

Tiniyak ng PCG na magpapatuloy ang pagpapalakas ng kanilang mga patrol operation sa West Philippine Sea upang bantayan at tugunan ang presensya ng mga dayuhang barko sa loob ng EEZ ng bansa.