--Ads--

Ibinahagi ng isang Registered Criminologist at Licensed Professional Teacher mula sa Lungsod ng Santiago ang kaniyang inspirasyon at mga pinagdaanang hamon matapos niyang makamit ang dalawang lisensya na matagal nang pangarap ng kaniyang mga magulang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jonna Mae P. Galam, RCrim at LET Passer, sinabi nito na hindi naging madali ang kaniyang naging journey sa pag-abot ng pangarap dahil dumaan din sila sa problemang pinansyal matapos na maagang pumanaw ang kaniyang ama noong siya ay 18-anyos pa lamang.

Ayon kay Galam, nagsilbing inspirasyon niya ang kagustuhan ng kaniyang ama na maging Registered Criminologist siya habang pangarap naman ng kaniyang ina na maging Licensed Professional Teacher.

Aniya, kahit maraming pagsubok ay pinili niyang magsikap upang masuklian ang sakripisyo ng kaniyang pamilya at mapatunayan na kaya nilang makaahon sa buhay.

--Ads--

Ikinuwento rin nito na may mga taong nagduda noon sa kakayahan nilang magkakapatid na makatapos ng pag-aaral ngunit ginawa umano niya itong motibasyon upang mas pagbutihin pa ang kaniyang pag-aaral.

Sinabi pa ni Galam na bagamat nakapasa siya sa Criminology Licensure Examination, PNP entrance examination at Civil Service examination, mas nais pa rin niyang tahakin ang larangan ng pagtuturo.

Pangarap umano niyang maging college instructor sa kursong Criminology upang maibahagi ang kaniyang kaalaman sa mga estudyante.

Bukod dito, inihayag din niyang balak pa niyang kumuha ng kursong abogasya sa mga susunod na taon.

Nagbigay naman siya ng mensahe sa mga kabataan na huwag hayaang hadlangan ng mga negatibong komento ng ibang tao ang kanilang mga pangarap.

Binigyang-diin niya na mahalagang samahan ng sipag, tiyaga, panalangin at tiwala sa sarili ang pag-abot sa tagumpay.

Nagpasalamat din si Galam sa kaniyang ina, mga kapatid, kamag-anak at lahat ng sumuporta sa kaniya sa buong panahon ng kaniyang pag-aaral at paghahanda sa board examinations.