Mas pinaigting pa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng Santiago City ang kampanya laban sa child abuse kasunod ng patuloy na paglitaw ng mga kaso ng sekswal na pang-aabuso sa mga menor de edad, partikular sa mga batang babae.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jasmin Joy Bulusan, nakapagtala ang kanilang tanggapan ng tinatayang 14 hanggang 16 na kaso ng child abuse mula Enero hanggang sa kasalukuyan.
Bagama’t nakitaan umano ng bahagyang pagbaba sa kabuuang bilang ng mga insidente, nananatili pa ring pinakamataas ang kaso ng sexual abuse kumpara sa iba pang uri ng pang-aabuso.
Inihayag din ni Bulusan na pumapangalawa sa mga naitatalang insidente ang physical abuse, bagama’t limitado lamang ang mga kasong may kaugnayan dito.
Batay sa isinagawang monitoring ng CSWDO, lumalabas na karamihan sa mga biktima ay kabilang sa age bracket na 10 hanggang 14 taong gulang.
Ipinaliwanag ni Bulusan na posibleng nakaugnay ito sa yugto ng adolescence kung saan mas lantad ang mga kabataan sa exploratory behavior at interaksyon sa digital platforms.
Aniya, malaking porsyento ng mga kaso ay nag-uugat sa pakikipagkilala ng mga menor de edad sa mga indibidwal na kanilang nakakasalamuha online.
Dahil dito, higit pang pinaigting ng CSWDO ang kanilang information dissemination campaign at inter-agency coordination katuwang ang mga paaralan, barangay, at mga magulang upang mapalawak ang kamalayan hinggil sa proteksyon ng mga bata laban sa iba’t ibang anyo ng pang-aabuso at online exploitation.
Nanawagan din ang tanggapan sa mga magulang at guardians na paigtingin ang digital supervision sa kanilang mga anak at agad na magsumbong sa mga kinauukulang awtoridad sakaling may matukoy na anumang uri ng abuso o exploitation laban sa mga menor de edad.











