--Ads--

Nag-isyu ang Land Transportation Office o LTO ng Show Cause Order sa isang motorcycle rider mula sa Barangay Rosario, Santiago City, kaugnay ng insidenteng kinasangkutan umano ng ilang riders sa San Agustin, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng LTO Santiago Extension Office, sinabi niyang nitong Lunes isinilbi ang kautusan sa rider upang bigyan ito ng pagkakataong magpaliwanag sa mga alegasyong iniuugnay sa kanya.

Ayon kay Buendia, patuloy ang pagsisilbi ng Show Cause Order sa iba pang riders at apat na organizers na posibleng sangkot sa insidente bilang bahagi ng imbestigasyon ng ahensya.

Ipinag-utos na rin umano ng LTO ang paglalagay sa alarm status ng mga motorsiklong sinasabing sangkot at 90-araw na preventive suspension ng mga lisensya ng mga rider na tinukoy ng ahensya.

--Ads--

Matatandaang noong Oktubre 3 at 4 isinagawa ang San Agustin Eco-Tourism Ride 2026 kung saan kumalat sa social media ang mga video ng ilang rider na umano’y mabilis at mapanganib na nagmamaneho.

Batay sa mga video at police report na nakalap ng LTO, may mga rider umanong lumabag sa speed limit at iba pang batas-trapiko.

Patuloy namang sinusuri ng ahensya ang mga ebidensya at dokumento habang binibigyan ng pagkakataon ang mga nasasangkot na maipaliwanag ang kanilang panig.

Samantala, ayon sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan, nakipagpulong ngayong araw ang ilan sa mga rider sa LTO Regional Office upang maipaliwanag ang kanilang panig kaugnay ng insidente.