--Ads--

Inanunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang bagong patakaran na layong padaliin ang pagsasara ng negosyo at pagkansela ng tax registration sa ilalim ng “Ease of Paying Taxes Act.”

Sa pamamagitan ng Revenue Memorandum Circular No. 47-2026 na inilabas noong Mayo 19, mas pinasimple ang mga documentary requirements at pinabilis ang proseso ng pagkuha ng tax clearance, na maaari na umanong makuha sa loob ng tatlong working days sa ilang kaso.

Maaaring mag-apply ang mga taxpayer nang manual o online sa revenue district office kung saan nakarehistro ang kanilang head office o branch.

Ayon sa BIR, titigil na rin ang pag-ipon ng penalties sa hindi paghahain ng tax returns kapag kumpleto na ang mga kinakailangang dokumento, habang agad ding ilalagay sa “deregistered” status ang mga form types ng negosyo. Exempted din ang mga micro taxpayers sa mandatory audit para sa closure.

--Ads--

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, bahagi ito ng “Ease of Closing Business” reform na alinsunod sa direktiba ng administrasyon na gawing mas mabilis at business-friendly ang serbisyo ng pamahalaan, alinsunod sa Republic Act No. 11976.