--Ads--

Tinatayang mahigit anim na ektarya ng damuhan at lupa ang napinsala matapos sumiklab ang isang grass fire sa Barangay Tagaran, Cauayan City nitong Miyerkules ng hapon, Mayo 27.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Daniel Acob, bandang alas dos ng hapon nang unang mapansin ang pagkalat ng apoy sa lugar.

Dahil sa malakas na hangin at matinding init ng panahon, mabilis na kumalat ang sunog at muntik nang madamay ang tatlong kabahayan at isang bodega na malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Agad namang rumesponde ang mga volunteer, residente, at mga otoridad upang tumulong sa pag-apula ng apoy habang hinihintay ang pagdating ng Bureau of Fire Protection (BFP). Sa mabilis na pagtutulungan ng mga responder at mamamayan, naiwasang madamay ang mga kabahayan at establisimyento sa paligid.

--Ads--

Tatlong fire truck ang nagtulong-tulong upang makontrol ang sunog na tumagal ng halos apat na oras dahil sa lawak ng nasusunog na damuhan at sa hirap ng pagpasok sa ilang bahagi ng lugar.

Bandang alas sais ng gabi nang tuluyang ideklarang kontrolado ang sunog ng mga awtoridad. Patuloy namang nagsagawa ng clearing operations at monitoring ang mga bumbero upang matiyak na wala nang muling sisiklab na apoy.

Ayon kay Kagawad Acob, posible umanong itinapong upos ng sigarilyo ang pinagmulan ng sunog na agad nagliyab dahil sa tuyong damuhan at malakas na hangin sa lugar. Gayunman, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.

Umabot umano ang apoy hanggang sa bahagi ng likod ng sports complex at malapit sa isang dry goods warehouse sa bypass road kaya agad itong binantayan ng mga responders upang maiwasan ang pagkalat ng apoy sa mga establisimyento at sasakyan na dumaraan sa lugar.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente, ngunit nagdulot ito ng matinding pangamba sa mga residente lalo na sa mga nakatira malapit sa pinangyarihan ng sunog.

Ayon sa ilang residente, malaking epekto ang idinulot ng sunog lalo na sa mga umaasa sa malawak na damuhan bilang pastulan ng kanilang mga alagang baka at kalabaw. Posible rin umanong maapektuhan ang kabuhayan ng ilang magsasaka at livestock raisers sa lugar dahil sa pagkawala ng damuhang pinagkukunan ng pagkain ng kanilang mga alagang hayop.

Samantala, muling pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging responsable sa pagtatapon ng upos ng sigarilyo at iba pang maaaring pagmulan ng sunog, lalo na ngayong nararanasan ang matinding init at tuyong panahon. Hinikayat din ang mga residente na agad ireport sa mga otoridad ang anumang senyales ng sunog upang maiwasan ang mas malaking pinsala.