Muling binatikos ni dating US President Joe Biden si Pangulong Donald Trump dahil sa pagpapatawad nito sa mahigit isang libong tagasuporta na nahatulan kaugnay ng paglusob sa US Capitol noong Enero 6, 2021.
Sa bahagi ng kaniyang nalalapit na memoir, iginiit ni Biden na hindi dapat makalimutan ang insidente at nararapat lamang na makulong ang mga indibidwal na umatake sa mga alagad ng batas.
Bilang tugon, tinawag ni White House spokesperson Lauren Bis si Biden na pinakamasamang pangulo sa kasaysayan ng Amerika at inakusahan ang kaniyang administrasyon ng pagkabigo sa border security, paglaban sa krimen at pagtugon sa inflation.
Matatandaang nilusob ng mga tagasuporta ni Trump ang US Capitol upang pigilan ang pagpapatibay sa pagkapanalo ni Biden sa 2020 presidential election.
Pagbalik ni Trump sa White House, pinagkalooban niya ng pardon ang mahigit 1,000 indibidwal na nahatulan dahil sa kanilang pagkakasangkot sa insidente.











