Pabor ang ilang tricycle driver sa lungsod ng Cauayan sa mga bagong traffic scheme na ipatutupad ng lokal na pamahalaan bilang hakbang upang mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa iba’t ibang pangunahing lansangan.
Ayon kay Ginoong Edilberto Menor, isang tricycle driver, makatutulong umano ang mga bagong traffic scheme upang maging mas maayos at organisado ang pagdaloy ng mga sasakyan sa lungsod.
Gayunman, sinabi nito na kung tunay na nais ng mga kinauukulan na maresolba ang problema sa trapiko, kinakailangan ding higpitan ang pagbabantay laban sa mga sasakyang nagdo-double parking, lalo na sa mga matataong lugar at makikipot na kalsada.
Aniya, malaking dahilan umano ng mabagal na usad ng trapiko ang mga sasakyang basta na lamang humihinto o nakaparada sa gilid ng kalsada kahit sa mga lugar na hindi naman pinapayagan.
Dagdag pa niya, mas nagiging mahirap para sa mga pampasaherong sasakyan tulad ng mga tricycle ang pagdaan sa masisikip na lansangan dahil nababawasan ang espasyong maaaring daanan ng mga motorista.
Hiniling din ni Menor sa lokal na pamahalaan na mas malinaw na maglagay ng mga karatula at traffic signages upang agad na malaman ng mga motorista ang mga ipinatutupad na one-way at iba pang pagbabago sa daloy ng trapiko.
Iginiit pa nito na dapat munang tutukan ng mga awtoridad ang mga iligal na nakaparadang sasakyan at mga tricycle na hindi sumusunod sa tamang paradahan bago sitahin ang ibang motorista.
Samantala, umaasa naman ang mga tricycle driver na magiging epektibo ang pagpapatupad ng mga bagong traffic scheme kung magiging mahigpit at tuloy-tuloy ang pagbabantay laban sa mga lumalabag sa batas trapiko, partikular na ang mga nagdo-double parking.











