--Ads--

Naghain ng obstruction of justice complaint ang mga pamilya ng mga missing sabungeros nitong Mayo 29 laban sa isang abogado ni Atong Ang dahil sa umano’y pagbibigay ng tulong pinansyal habang nagpapatuloy ang kaso laban sa puganteng negosyante.

Ayon sa limang natitirang complainant, inakusahan nila si Caroline Cruz na umano’y nagbibigay ng buwanang allowance na nasa ₱40,000 sa ilang pamilya kapalit ng hindi pakikipagtulungan at hindi pagdalo sa mga pagdinig sa korte.

Ibinunyag ng isa sa mga complainant na nasa 20 pamilya na umano ang nakatanggap ng naturang tulong, na maaaring makaapekto sa kaso.

Ipinahayag ng kapatid ng isa sa mga nawawalang sabungero ang matinding pagkadismaya sa mga pamilyang tumanggap ng pera, at sinabing tila ipinagpalit ng mga ito ang hustisya kapalit ng salapi.

--Ads--

Ayon pa sa mga complainant, wala umanong kasiguraduhan ang mga tumanggap ng pera kung hanggang kailan ito ibibigay at posible umanong itigil kapag humina na ang kaso.

Una nang inihain ang isyu sa isang press conference sa National Police Commission, kung saan isinabay din ang reklamo laban sa dalawang pulis na umano’y tumulong sa isang lihim na pagpupulong ng mga pamilya at mga nakakulong na pulis na sangkot sa kaso.

Sa panig ni Cruz, wala pa itong opisyal na tugon sa reklamo ngunit nauna na niyang sinabi na malinis ang kanyang konsensya kaugnay ng mga paratang.