Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na maaaresto ng mga awtoridad ang negosyanteng si Atong Ang at dating kongresistang si Zaldy Co.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa isang ambush interview nitong Lunes, patuloy na sinusundan ng mga operatiba ang mga lead habang isinasagawa ang mga nakalatag na operational plan at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya.
Sinabi niya na wala pang malaking update sa ngayon, ngunit aktibo ang kanilang mga tauhan at kumikilos batay sa dokumentadong impormasyon at umiiral na mga proseso upang matiyak ang maayos na operasyon. Dagdag pa niya, may nakaabang na operational plan at tuloy-tuloy itong mino-monitor ng kanilang mga team, at inaasahang maaaresto rin ang mga ito sa lalong madaling panahon.
Si Ang at iba pang sangkot ay may kinahaharap na mga warrant of arrest kaugnay ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention na may kaugnayan sa kaso ng mga nawawalang sabungero. May inilabas ding Interpol red notice laban kay Ang noong Abril, at may alok na P20 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Samantala, si Co at iba pang akusado ay may warrant of arrest kaugnay ng umano’y iregularidad sa P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Noong Abril 16, iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na na-detain si Co sa Prague matapos harangin sa German border, ngunit kalaunan ay lumabas na hindi na ito nasa kustodiya ng Czech authorities at posibleng nasa France na.











