--Ads--

Nadagdag ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at dating pulis na si Ryan Jay Orapa sa Manila Arena case kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), pinayagan ng Manila Regional Trial Court Branch 185 ang mosyon ng prosekusyon na amyendahan ang impormasyon sa kaso matapos matukoy ang sapat na paunang ebidensiya upang sampahan ang dalawa ng kasong kidnapping at serious illegal detention.

Kinumpirma rin ni DOJ Spokesperson Polo Martinez na naglabas ng warrant of arrest laban kina Ang at Orapa noong Oktubre 30, 2026 sa bisa ng kautusan ng Manila RTC Branch 175. Hindi rin pinapayagan ang mga akusado na makapagpiyansa dahil sa bigat ng mga kasong kinakaharap.

Samantala, naghain ang kampo ng depensa ng mosyon upang ipagpaliban ang arraignment at pansamantalang suspendihin ang pagdinig habang nakabinbin ang kanilang petition for review sa DOJ.

--Ads--

Dahil naman sa pagkakadagdag kina Ang at Orapa sa kaso, plano ng abogado ng whistleblower na si Julie Patidongan na hilingin sa prosekusyon na alisin ito bilang akusado at gawin na lamang state witness.

Nauna nang inakusahan ni Patidongan si Ang bilang umano’y utak sa pagpatay sa mga nawawalang sabungero, na pinaniniwalaang itinapon ang mga bangkay sa Taal Lake.