Tuluyan nang nabuwag ng mga awtoridad ang isang kuta ng ilegal na droga sa Lungsod ng Santiago matapos maaresto ang tatlong construction worker na itinuturing na High Value Individuals (HVI) sa isang buy-bust operation noong gabi ng Mayo 29, 2026.
Naganap ang operasyon bandang alas-10:00 ng gabi sa Purok 3, Roque Street, Barangay Calao West. Ang matagumpay na huli ay pinangunahan ng PDEA Quirino Provincial Office katuwang ang PDEA CAR–Kalinga, PDEA RO2, RIU, PDEG SOU 2, at Santiago City Police Station 1.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Fredo,” 43-anyos, may asawa; alyas “Jong,” 37-anyos, binata; at alyas “Mon,” 44-anyos, may asawa, pawang residente ng Barangay Calao West.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Intelligence Agent 5 Armenio V. Gaudia, Provincial Officer ng PDEA Quirino at Santiago City, sinabi nitong matagumpay ang isinagawang joint buy-bust operation sa naturang lugar na pinangunahan ng PDEA Quirino Provincial Office katuwang ang PDEA CAR–Kalinga, PDEA RO2, RIU, PDEG SOU 2, at Santiago City Police Station 1.
Ayon kay Agent Gaudia, nakatanggap lamang sila ng tip mula sa isang concerned citizen kaya agad isinailalim sa surveillance ang lugar sa loob ng mahigit dalawang buwan bago isinagawa ang operasyon.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 10 gramo at may Standard Drug Price na tinatayang ₱68,000, gayundin ang buy-bust money at ilang drug paraphernalia.
Kinumpirma rin ng PDEA na isang drug den ang nadismantle sa lugar, kung saan si alyas “Fredo” ang itinuturing na may-ari ng naturang pinangyarihan ng operasyon. Lumabas din sa imbestigasyon na si alyas “Fredo” ay may history na ng kahalintulad na kaso.
Kabilang ang mga suspek sa High Value Individuals.
Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang posibleng pinagkukunan ng ilegal na droga ng mga suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang tatlong naaresto at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ngayong Hunyo 1 para sa paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











