--Ads--

Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos maaktuhan umanong nagbebenta ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Gomez, San Isidro, Isabela, nitong Nobyembre 8, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Eigie,” residente ng Barangay Rizal East, San Isidro, at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinangunahan ng San Isidro Municipal Police Station ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 2.

Naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng ₱1,000.

--Ads--

Nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 0.7 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱4,760, buy-bust money, isang cellphone at isang Honda Wave Alpha motorcycle.

Nasa kustodiya na ng San Isidro MPS ang suspek habang inihahanda ang kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.