Sa botong 265-14 na may walong abstentions, pinatalsik kagabi ng Mababang Kapulungan si Rep. Kiko Barzaga ng ika-4 na distrito ng Cavite dahil sa disorderly behavior, unparliamentary conduct, at iba pang paglabag sa mga alituntunin ng Kongreso.
Ang 318-miyembrong House of Representatives ay nagpatibay sa rekomendasyon ng komite sa ethics at privileges na pinamumunuan ni Rep. JC Abalos ng 4Ps party-list.
Ang reklamo laban kay Barzaga ay inihain ng kanyang dating mga kasamahan sa National Unity Party (NUP).
Matatandaan na dalawang beses nang nasuspinde si Barzaga ng tig-60 araw — noong Disyembre 2025 at Pebrero 2026 — dahil sa gross misconduct at mga mapanirang pahayag laban sa kapwa mambabatas sa social media.
Madalas siyang nagla-livestream sa kanyang personal na Facebook account habang sesyon, kung saan tinawag niyang “crocodile farm” ang Kamara, patama umano sa mga kasamahan na inakusahan niyang sangkot sa kontrobersya sa flood-control projects.
Ayon sa Speaker Faustino Dy III, ang pagpapatalsik ay bahagi ng hakbang ng liderato upang ipatupad ang disiplina at tamang asal sa loob ng Kamara, kasunod ng mga naunang suspensyon kay Barzaga.
Bukod sa aksyon ng Kamara, naghain din ng hiwalay na reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Barzaga.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, maling akusasyon ang ginawa ng kongresista nang sabihing may tangkang pagpatay ang mga ahente ng NBI sa mga senador sa insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13.
Aniya, nakasisira sa reputasyon ng ahensya at ng law enforcement ang naturang pahayag.











