--Ads--

Umalis sa plenaryo kahapon ang Solid Bloc 11, grupo ng 11 minority senators, matapos ang isang oras na paghihintay sa mga miyembro ng majority bloc na hindi dumalo sa sesyon. Sa kanilang caucus, nanawagan sila ng pagbibitiw ni Senate President Alan Peter Cayetano, na inakusahan nilang isinailalim sa “hostage” ang Senado sa pamamagitan ng kanyang panawagang boycott.

Sa harap ng watawat ng Pilipinas, binasa ni Sen. Erwin Tulfo ang pahayag ng grupo.

Kasama sa SB11 sina Vicente Sotto III, Panfilo Lacson, Juan Miguel Zubiri, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Francis Pangilinan, Bam Aquino, Raffy Tulfo, JV Ejercito, at Lito Lapid.

Binanggit nila ang Rule XIV, Sec. 41 ng Senate Rules na nilabag umano ni Cayetano sa pagpapaliban ng sesyon nang walang konsultasyon sa majority at minority leaders.

--Ads--

Hinamon si Cayetano na mag-report sa Senado imbes na mag-Facebook Live.

Dahil sa mga pangyayari sa Senado naantala ang pag-apruba ng citizenship nina Matthew James Ramos (Filipino-American wrestler) at Bennie Boatwright (San Miguel Beermen player).

Nabitin din ang mga panukalang batas laban sa hospital detention, Magna Carta para sa barangay health workers, at mga panukala sa agrikultura at pangingisda.

Habang tumutunog ang quorum bell, nag-Facebook Live si Cayetano mula sa labas ng Senado.

Iginiit niyang ang boycott ay “parliamentary tool” upang matuloy ang Blue Ribbon Committee hearing sa flood control controversy.