--Ads--

Ipinataw ng Sandiganbayan Third Division ang 90-araw na preventive suspension kay Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng kasong plunder na kinakaharap nito sa anti-graft court dahil sa umano’y hindi idineklarang campaign contributions na nagkakahalaga ng ₱75 milyon.

Ayon sa Sandiganbayan, inilabas ang kautusan noong Oktubre 19 alinsunod sa Plunder Law o Republic Act No. 7080 at Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019.

Ipinaliwanag ng korte na hindi na kinakailangan ang pre-suspension hearing bago ipatupad ang preventive suspension sa kasong plunder. Dagdag nito, mandatoryo ang naturang suspensiyon sa ilalim ng dalawang batas kapag may balidong information o pormal na sakdal.

Ayon pa sa Sandiganbayan, sapat ang mga alegasyong nakasaad sa mga information upang bumuo ng mga elemento ng kasong plunder at paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng regalo sa ilalim ng mga saklaw nito.

--Ads--

Awtomatikong matatapos ang suspensiyon matapos ang 90 araw mula sa pagpapatupad nito.

Kabilang sa mga kapwa akusado ni Marcoleta sa kaso ang umano’y mga nagbigay ng ₱75 milyon na sina dating Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor, negosyanteng Joseph Espiritu, at Aristotle Viray.

Samantala, iginiit ng kampo ni Marcoleta na campaign contribution ang naturang halaga.