Handa ang ilang senador na magpatupad ng mas mahabang oras ng pagdinig upang mapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, karamihan sa mga miyembro ng majority bloc ay pabor na isagawa ang regular na sesyon ng Senado sa umaga habang ilalaan naman ang hapon hanggang gabi para sa impeachment proceedings.
Sinabi ni Lacson na pinag-aaralan nilang ilipat ang oras ng pagdinig mula sa dating alas-10 ng umaga hanggang alas-2:30 ng hapon sa bagong iskedyul na alas-2:30 ng hapon hanggang alas-7:30 ng gabi simula sa susunod na buwan.
Dagdag pa niya, maaari pang umabot hanggang alas-11 ng gabi o hatinggabi ang pagdinig kung kinakailangan upang masunod ang target na matapos ang testimonya ng isang witness kada araw.
Ipinaliwanag ni Lacson na ang pagbabago ng iskedyul ay magbibigay ng sapat na panahon sa mga senador upang pag-aralan at suriin ang mga testimonya at ebidensyang ihaharap sa paglilitis.
Sa kasalukuyan, napuputol aniya ang impeachment hearing pagsapit ng alas-3 ng hapon upang bigyang-daan ang regular na sesyon ng Senado.
Ayon pa sa senador, maging ang mga miyembro ng minority bloc ay sumasang-ayon sa planong pagpapahaba ng oras ng pagdinig.
Gayunman, nilinaw ni Lacson na maaari pang magkaroon ng pagbabago sa iskedyul depende sa magiging sitwasyon at pangangailangan ng impeachment court.
Inaasahan naman na sa Lunes o Miyerkules ay iaanunsiyo na ng Senado ang pinal na oras ng mga susunod na pagdinig.











