Nagkaroon ng tensyon sa Senado nitong Huwebes, Hunyo 4, matapos umanong piliting makapasok ang 18 dating Marines sa gusali ng kapulungan.
Ayon sa ulat, hindi pinayagan ang pagpasok ng mga resource persons sa Senado kasunod ng direktiba ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian, kaugnay ng nakatakdang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Hunyo 8.
Sa isang live video report, makikitang hinarangan ang 18 dating Marines na nagsilbing testigo umano sa isinasagawang imbestigasyon sa flood control issue. Kasama rin umano sa humarang sa kanila si Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Gayunman, sa tulong nina Sen. Robin Padilla at Sen. Pia Cayetano, nakapasok umano ang 18 Marines sa loob ng Senado at tumuloy sa plenary hall, na nagdulot ng bahagyang kaguluhan.
Nauna rito, nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Blue Ribbon Committee matapos mahalal si Sen. Erwin Tulfo bilang bagong chairman ng komite noong Hunyo 3. Ayon sa kanya, nakatakdang magpulong ang komite sa Hunyo 8.
Samantala, iginiit naman ng kampo ni Senate President Alan Peter Cayetano na dapat manatili sa liderato ng Blue Ribbon Committee si Sen. Pia Cayetano, kasabay ng naunang inilabas na memorandum para sa pagpapatuloy ng pagdinig noong Hunyo 4.





