--Ads--

Naghanda ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 55,000 security personnel bilang bahagi ng Oplan Balik-Eskwela para sa pagbubukas ng klase sa School Year 2026–2027.

Kabilang sa ipinakalat na tauhan ang 28,751 na miyembro ng PNP, 4,079 na personnel mula sa iba pang yunit, at 22,677 force multipliers mula sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan at mga organisasyong pangkomunidad.

Naglagay din ang PNP ng 9,319 police assistance desks sa mga paaralan at mga cluster ng paaralan sa buong bansa upang agad na matugunan ang mga pangangailangan at reklamo ng mga mag-aaral, guro, at magulang.

Bukod dito, magpapakalat din ng 9,525 mobile patrol units upang mapalakas ang presensya ng pulisya at mapabilis ang pagtugon sa anumang insidente sa paligid ng mga paaralan.

--Ads--

Tiniyak naman ng PNP sa mga magulang at tagapag-alaga na nakahanda ang mga awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa unang araw ng pasukan.

Samantala, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang nationwide Oplan Balik Eskwela mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 11 upang mapadali ang proseso ng enrollment, matugunan ang mga hinaing ng publiko, at matiyak ang kahandaan ng mga paaralan sa buong bansa.

Nakatakda ang opisyal na pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.

Kasabay nito, inilunsad din ng DepEd ang “Project Handa,” isang nationwide school readiness tracking system na layuning matukoy ang kakulangan sa imprastraktura, sanitasyon, teknolohiya, at mga kagamitang panturo sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, makatutulong ang naturang sistema sa mas maayos na pangangalap ng datos at pagdedesisyon ng mga opisyal ng edukasyon upang matukoy kung saan higit na kinakailangan ang mga programa at pondo para sa mga paaralan.