Humingi ng paumanhin nitong Linggo si Senador Erwin Tulfo sa kanyang mga kasamahan sa Senado mula sa Cayetano bloc matapos niyang magbanta na ipaaaresto ang mga ito kung magsasagawa pa ng tinatawag niyang “hindi awtorisadong” pagdinig.
Sa isang panayam noong Biyernes, iginiit ni Tulfo, bilang chair ng Senate Blue Ribbon Committee, na ipaaaresto niya ang kanyang mga kasamahan at posibleng “hilahin sa kwelyo” si Sen. Alan Peter Cayetano kung magpapatuloy ang umano’y “pekeng” hearing.
Aminado ang senador na hindi naaangkop ang kanyang mga sinabi at ipinaliwanag na ito ay bunsod ng kanyang hangaring mapabilis ang trabaho ng Senado.
Humingi rin siya ng paumanhin sa publiko dahil sa mga pangyayaring nagdulot umano ng pagkaantala sa pagpasa ng mahahalagang batas matapos ma-adjourn ang sesyon.
Ayon pa kay Tulfo, dahil sa mga hindi pagkakaunawaan at bangayan sa politika, hindi natupad ang tungkulin ng Senado na makapagpasa ng mga batas.
Nanawagan din siya sa kanyang mga kapwa senador na magkaisa at ituon ang pansin sa trabaho sa halip na alitan sa pulitika.
Naganap ang isyu ilang araw matapos mahalal si Tulfo bilang bagong chair ng Blue Ribbon Committee. Kasunod nito, itinuloy ni Sen. Pia Cayetano ang isang nakatakdang pagdinig na dati niyang pinamumunuan noong siya pa ang chair ng komite.
Ang pagdinig ay kaugnay rin ng patuloy na hidwaan sa loob ng Senado, kabilang ang grupo ni Sen. Alan Cayetano na iginiit na nananatili pa rin siyang Senate President dahil sa umano’y isyu sa quorum sa kanyang pagkakatanggal sa puwesto.





