--Ads--


Pinangunahan ng iba’t ibang environmental offices—kabilang ang Municipal Environment and Natural Resources Offices o MENRO mula sa bayan ng Cabagan at Tumauini—ang pagdalo sa ginanap na Philippine Summit na may temang “Localizing Climate Change and Nature-Based Solutions, Sustainable Tourism, and Creative Industries Development”.

Ayon sa mga kinatawan ng sektor, napakahalaga at malaking oportunidad ang pagkakaroon ng ganitong klaseng pagtitipon upang masusing mapag-usapan ang mga epektibong nature-based solutions, lalo na sa pagtugon sa mga kasalukuyang hamon sa usaping pangkalikasan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Engr. Lucky Jay  Limbauan at Maja-Layne Z. Edejer  ibinahagi nila na sa pamamagitan ng Philippine Summit, nakakuha sila ng mga panibagong kaalaman at estratehiya na maaaring maidagdag at direktang mai-adopt sa kani-kanilang mga munisipalidad.

Binigyang-diin pa sa panayam na bagama’t mahalaga ang papel ng mga ahensya ng gobyerno, pangunahin pa rin ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman at tunay na malasakit ng bawat indibidwal sa pangangalaga ng kapaligiran.

--Ads--

Anila, hindi dapat iasa lamang sa mga tanggapan ang paggawa ng mga inisyatiba upang mapanatili ang maayos, malinis, at maginhawang environment, kundi kinakailangan ang aktibong pakikiisa ng bawat mamamayan.

Kaugnay nito, patuloy ang panawagan at pag-anyaya ng Municipal Environment and Natural Resources Office sa publiko na makiisa sa pagsusulong ng kamalayan at sama-samang pagkilos para sa proteksyon at pangangalaga sa kalikasan.