Karamihan sa mga Pilipino ang sumusuporta sa pagsasagawa ng joint military exercises at patrols sa West Philippine Sea, ayon sa resulta ng survey na isinagawa ng OCTA Research at kinomisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Batay sa survey na isinagawa mula Marso 19 hanggang 25, 71 porsiyento ng mga respondent ang naniniwalang makabubuti sa bansa ang magkasanib na pagsasanay at pagpapatrolya ng militar sa nasabing karagatan. Samantala, 14 porsiyento ang nagsabing makasasama ito, habang pitong porsiyento naman ang nagsabing wala itong magiging epekto.
Ayon sa OCTA Research, ipinapakita ng resulta na nakikita ng malaking bahagi ng publiko ang mga aktibidad na ito bilang kontribusyon sa katatagan at seguridad ng rehiyon. Gayunman, binigyang-diin din ng grupo na may pagkakaiba-iba ng pananaw batay sa lokasyon at kalagayang pang-ekonomiya ng mga mamamayan.
Dagdag ng OCTA, mahalaga ang mas malawak at mas inklusibong kampanya ng impormasyon upang higit na maunawaan ng publiko ang layunin at kahalagahan ng mga military exercises.
Ang survey ay isinagawa sa 1,200 respondent at may margin of error na ±3 porsiyento.











