--Ads--

Sumailalim sa Parent Leaders Training na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD Region 2) ang 54 na 4Ps Parent Leaders mula sa iba’t ibang barangay ng Santiago City bilang bahagi ng pinaigting na hakbang ng ahensya upang palakasin ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa mga usapin ng mga benepisyaryo at sa mas epektibong pagpapalaganap ng mga patakaran sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marites Macadangdang, isang 4Ps Parent Leader na ilang taon nang naglilingkod sa programa, sinabi niyang malaking tulong ang naturang pagsasanay sa pagpapalalim ng kanilang kaalaman upang mabigyang-linaw ang mga katanungan at agam-agam ng mga bagong kasapi at maging ng mga matagal nang benepisyaryo.

Ayon kay Macadangdang, isa sa mga pangunahing usaping madalas idinudulog sa kanila ng mga miyembro ay ang pagkakabawas o tuluyang pagkawala ng kanilang cash grant, na kadalasang iniuugnay sa hindi pagtalima sa mga kondisyon ng programa, partikular ang pagdalo sa Family Development Sessions (FDS).

Binigyang-diin niya na bagama’t nagbibigay ang DSWD ng pagkakataon upang maitama ng mga benepisyaryo ang kanilang mga pagkukulang, may ilan pa ring nabibigong gampanan ang mga obligasyon na naglalagay sa alanganin sa kanilang patuloy na pagtanggap ng benepisyo.

--Ads--

Sa kabila ng mabigat na responsibilidad bilang Parent Leader, sinabi ni Macadangdang na nananatili siyang matatag sa pagtupad sa kanyang tungkulin bilang tagapaghatid ng impormasyon at tagapagpaliwanag ng mga polisiya ng DSWD sa antas ng komunidad.

Dagdag pa niya, pinalakas ng pagsasanay ang mga pagpapahalaga sa pamumuno, tiwala, at aktibong pakikibahagi ng mga benepisyaryo upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa mga opisyal ng DSWD Region 2 sa patuloy na paggabay at suporta sa mga Parent Leaders, kasabay ng panawagan sa kapwa benepisyaryo na pairalin ang pagkakaisa at responsableng pagtupad sa kanilang mga obligasyon upang mapangalagaan ang layunin ng programang 4Ps.