--Ads--

Nanawagan ang City Agriculture Office ng Cauayan City sa mga magsasaka na maghanda laban sa posibleng epekto ng El Niño at iba pang kalamidad sa pamamagitan ng pagkuha ng crop insurance upang maprotektahan ang kanilang kabuhayan at produksyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist ng nasabing lungsod, sinabi nito na mahalagang hindi lamang umasa ang mga magsasaka sa kondisyon ng panahon kundi tiyaking may sapat silang proteksyon sakaling tamaan ng kalamidad, peste, o iba pang banta ang kanilang mga pananim.

Ayon kay Engr. Alonzo, malaking tulong ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) dahil nagbibigay ito ng kompensasyon sa mga magsasaka na nakararanas ng pagkalugi bunsod ng bagyo, matinding tagtuyot, pagbaha, peste at iba pang sakunang nakaaapekto sa kanilang ani.

Ipinaliwanag niya na ang PCIC ay isang ahensya ng pamahalaan na nagbibigay ng insurance coverage at financial assistance sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang agricultural stakeholders upang mabawasan ang epekto ng mga panganib na dulot ng kalamidad at climate change.

--Ads--

Binigyang-diin ni Engr. Alonzo na layunin ng crop insurance na mapalakas ang katatagan ng sektor ng agrikultura at matiyak ang tuloy-tuloy na produksyon ng pagkain sa kabila ng pabago-bagong kondisyon ng panahon.

Dahil dito, hinihikayat ng City Agriculture Office ang mga magsasaka na magparehistro at mag-enroll sa mga programa ng PCIC sa pamamagitan ng kanilang tanggapan.

Kailangan lamang magdala ng valid identification card, patunay ng pagsasaka o pagmamay-ari ng lupang sinasaka, at iba pang kinakailangang dokumento upang maisama sa listahan ng mga benepisyaryo ng programa.

Umaasa naman ang City Agriculture Office na mas maraming magsasaka ang makikinabang sa crop insurance upang magkaroon ng sapat na proteksyon at tulong pinansyal sakaling makaranas ng pinsala sa kanilang mga pananim.