Gumamit ng water cannons ang pulisya sa Northern Ireland matapos lumala ang anti-immigrant protests na pumutok kasunod ng isang marahas na knife attack kung saan isang Sudanese na lalaki ang kinasuhan ng attempted murder.
Sa Newtownabbey, malapit sa Belfast, kita sa video ang mga protesters na naghahagis ng mga bagay sa mga pulis kung saan binugahan sila ng water cannons ng mga awtoridad.
Sa unang gabi ng protesta, nagkaroon ng mas malawak na kaguluhan kung saan sinunog ng mga nakamaskarang raliyista ang mga bahay, sasakyan, at barikada, na nagdulot ng paglikas ng ilang pamilya matapos kumalat sa social media ang video ng insidente ng pananaksak.
Ayon sa mga ulat, tinarget umano ng mga riot ang mga bahay ng mga ethnic minority at dayuhan. Sinabi ng ilang opisyal na dose-dosenang tao, kabilang ang isang dalawang taong gulang na bata, ang nawalan ng tirahan dahil sa karahasan.
Kinondena naman ni UK Prime Minister Keir Starmer ang insidente at iginiit na pananagutin ang mga responsable, habang pinalakas naman ng pulisya ang presensya upang maiwasan ang mas malalang kaguluhan.











