Pumayag ang Iran na hindi gagawa o kukuha ng mga Nuclear weapon sa ilalim ng isang draft memorandum of understanding na pinag-uusapan nito kasama ang Estados Unidos.
Ayon sa opisyal, bahagi ito ng mas malawak na kasunduan na sumasaklaw hindi lamang sa usaping nuclear kundi maging sa pagluwag ng mga parusa ng Estados Unidos laban sa Iran, pagpapalaya sa mga nakapirming ari-arian ng Tehran, at muling pagbubukas ng mahalagang Strait of Hormuz para sa pandaigdigang kalakalan.
Sa ilalim ng draft agreement, nangako ang Iran na pananatilihin ang kasalukuyang kalagayan ng nuclear program nito habang hindi pa natatapos ang pinal na kasunduan. Kabilang dito ang hindi pagpapayaman (enrichment) ng uranium at hindi pagpapalawak ng mga nuclear facility. Samantala, papayagan naman umano ng Estados Unidos ang Iran na palabnawin ang stockpile nito ng highly enriched uranium sa loob mismo ng bansa, habang pag-uusapan pa ang eksaktong mekanismo nito sa susunod na 60 araw.
Bilang kapalit, nakasaad din sa draft memorandum na hindi muna magpapataw ng bagong sanctions ang Washington habang nagpapatuloy ang negosasyon. Nakapaloob din dito ang pansamantalang pagluwag sa oil sanctions upang muling makapagbenta ng langis ang Iran at makatanggap ng kita mula rito.
Isa pang mahalagang bahagi ng kasunduan ang nakaplanong pagpapalaya ng humigit-kumulang $25 bilyon na nakapirming assets ng Iran sa iba’t ibang mekanismo sa pananalapi.
Nakasaad din sa draft na agad na bubuksan ng Iran ang Strait of Hormuz para sa lahat ng commercial vessels, habang aalisin naman ng Estados Unidos ang naval blockade nito sa mga pantalan ng Iran. Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang rutang dinadaanan ng suplay ng langis sa buong mundo.
Gayunman, hindi pa pinal ang kasunduan. Ayon sa mga ulat, magkakaroon pa ng karagdagang negosasyon sa loob ng 60 araw upang plantsahin ang mga detalye ng isang mas komprehensibong kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.






