Asahan na lalampas sa 25 ang mga testigong ihaharap ng prosecution panel matapos matuklasan ang umano’y paglobo ng kayamanan, kabilang ang mga ari-arian nina Vice Pres. Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio, kaugnay ng nalalapit na paglilitis sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, miyembro ng prosecution team, ang mga testigong ito ang magdidiin sa mag-asawang Duterte-Carpio sa apat na Articles of Impeachment na inihain ng Kamara.
Nakasaad na sa Land Transportation Office (LTO) nakarehistro ang mga sasakyan ng mag-asawa, habang sa Land Registration Authority (LRA) naman matatagpuan ang rekord ng kanilang mga lupa. Bukod sa mga opisyal ng mga ahensiya, ipatatawag din ng prosecution team ang mga dating may-ari ng naturang mga ari-arian upang ipaliwanag kung paano ito nabili ng mag-asawang Duterte-Carpio.
Kumpiyansa si Ridon na tatanggapin ng Impeachment Court ang karagdagang ebidensya, kahit hindi ito natalakay sa pagdinig ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, lead prosecutor.
Sakaling mapatunayang guilty si VP Sara, maaari siyang mapatalsik sa puwesto at maharap sa ‘perpetual disqualification from public office.’











