--Ads--

Magsasagawa ng final bidding ang Land Transportation Office (LTO) Region 2 para sa mga unclaimed at impounded na sasakyan mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 17, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Venancio Tuddao, Assistant Regional Director ng LTO Region 2, sinabi nitong isasagawa ang bidding sa mga itinalagang District at Extension Offices nito, kabilang ang Regional Office – Operations Division, alinsunod sa nakatakdang iskedyul ng bawat tanggapan.

Kabilang sa mga sasakyang isasailalim sa bidding ang mga hindi na kinukuha ng kanilang mga may-ari at mga nananatiling impounded o nasa kustodiya ng LTO.

Sa pamamagitan ng bidding, mabibigyan ng pagkakataon ang mga interesadong indibidwal na makabili ng mga naturang sasakyan sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang kaukulang alok na presyo.

--Ads--

Para sa mga nais lumahok, maaaring tingnan ang opisyal na listahan ng mga sasakyang kabilang sa bidding sa link na inilabas ng LTO Region 2.

Pinapayuhan din ang mga interesadong bidder na alamin ang kaukulang petsa, oras at lugar ng bidding upang matiyak ang kanilang paglahok.

Layunin ng naturang aktibidad na maisagawa nang maayos, malinaw at naaayon sa umiiral na mga patakaran ng pamahalaan ang disposisyon o pagbebenta sa mga unclaimed at impounded na sasakyan.

Kinakailangan lamang na kumuha ang mga interesadong bidder ng bid documents at magdeposito ng cash bond na katumbas ng sampung porsiyento ng kanilang inaalok na halaga.

Aniya,  ibabalik ang cash bond sa mga hindi mananalo sa bidding.

Nilinaw rin ni Tuddao na hindi kinakailangang may driver’s license ang isang indibidwal upang makasali sa public auction, basta’t masunod ang mga itinakdang alituntunin.

Pinapayuhan naman ang mga interesadong bidder na personal na inspeksiyunin ang kanilang napupusuang sasakyan sa kinauukulang LTO office upang makita ang aktuwal na kondisyon nito bago maghain ng kanilang bid.