--Ads--

Umaasa ang National Public Transport Coalition (NPTC) na magpapatuloy ang maayos na pakikipag-ugnayan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) sa mga transport group sa kabila ng pagpapalit ng pamunuan sa dalawang ahensya.

Ayon kay NPTC convenor Ariel Lim, wala silang tutol sa anumang pagbabago sa liderato ng mga nasabing ahensya, basta’t matiyak na ang mga itatalagang opisyal ay may sapat na kaalaman at pag-unawa sa kalagayan ng pampublikong transportasyon, partikular sa usapin ng prangkisa.

Umaasa rin itong magiging bukas sa mga mungkahi at rekomendasyon ng mga transport leader ang bagong pamunuan upang maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan na nagiging dahilan ng pagsasagawa ng kilos-protesta ng mga tsuper at operator.

Giit nito, mas nais nilang maresolba ang mga problema sa pamamagitan ng maayos na komunikasyon at regular na konsultasyon sa halip na umabot pa sa mga welga na nakaaapekto sa mga mananakay.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing hinaing na nais nilang matugunan ang umano’y lagayan o payola sa hanay ng ilang tauhan ng LTO, gayundin ang mga problema sa proseso ng paglalabas ng prangkisa ng LTFRB.

Inihayag din nito ang pangangailangan ng mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng LTO at LTFRB, lalo na sa pagpapatupad ng mga memorandum circular at iba pang polisiya upang maiwasan ang magkakaibang interpretasyon ng mga enforcement personnel na nagreresulta sa umano’y maling panghuhuli sa mga motorista.

Dahil dito, iminungkahi ng opisyal ang pagsasagawa ng regular na regional conference sa pagitan ng mga direktor ng dalawang ahensya upang pag-usapan at linawin ang kanilang mga polisiya bago ipatupad sa mga enforcement team.

Samantala, ikinatuwa rin ng NPTC ang sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo na malaking tulong umano sa mga tsuper ng tricycle at taxi.

Gayunman, umaasa silang magpapatuloy pa ang rollback, partikular sa presyo ng diesel na hindi pa umano lubusang bumabalik sa dating antas na P58 hanggang P60 kada litro.

Binigyang-diin din nito na dapat ipagpatuloy ng pamahalaan ang pag-aaral sa posibleng pag-amyenda sa Oil Deregulation Law upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa pabago-bagong presyo ng mga produktong petrolyo at hindi lamang kumilos kapag muling magkaroon ng biglaang pagtaas ng presyo.

Dagdag pa ni NPTC Convewnor Ariel Lim na bagamat natutuwa sila sa malakihang pagbaba sa presyo ng Gasolina nanatiling mataas parin ang Diesel at pinangangambahang makaapekto ito sa ilang hakbang na kanilang isinusulong lalo na ang pagreview sa oil deregulation act at ang excise tax sa petrolyo.

Dahil dito muli siyang nanawagan sa mga namamahala sa mga ahensya ng Gobyerno na huwag maging “ningas kugon” at tapusin ang kanilang trabaho ng maayos.