--Ads--

Tinanggap na ni Senator Alan Peter Cayetano na hindi na siya ang Senate President matapos lumipat si Senator Joel Villanueva sa bagong mayorya ng Senado.

Inaasahang magbibigay ito ng sapat na bilang upang maghalal ng bagong lider sa Mataas na Kapulungan.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Cayetano na hindi na niya hahadlangan ang nalalapit na botohan para sa bagong Senate President.

Aniya, walang permanenteng liderato sa isang demokrasya at ang bawat posisyon ay pansamantalang ipinagkakatiwala lamang sa isang opisyal.

--Ads--

Ipinahayag din niya ang kanyang pagbati at kooperasyon sa sinumang lehitimong maihahalal ng Senado bilang bagong pinuno nito.

Bagama’t aalis na sa posisyon, sinabi ni Cayetano na mananatili siyang nakatuon sa pagsusulong ng katotohanan at pananagutan sa pamahalaan.

“Offices are temporary, titles are temporary, even majorities are temporary — but your right to the truth is not,” ani Cayetano.

Dagdag pa niya, ipagpapatuloy niya ang kanyang laban upang mabigyang-linaw ang mga isyung kanyang isinusulong at mapanagot ang mga taong sangkot sa anumang katiwalian.

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, sinabi ni Cayetano na bagama’t iiwan na niya ang posisyon bilang Senate President, mananatili siyang isang lingkod-bayan.

“I may leave the position of SP, but I am honored to still be your PS — your Public Servant,” aniya.