--Ads--

Nananawagan ang student council ng Isabela State University – Echague Campus na muling pag-aralan at ipagpaliban ang implementasyon ng ISUgbit bilang opisyal na graduation attire ng Batch 2026, kasunod ng malawakang panawagan ng mga estudyante na mas nais nilang magsuot ng toga bilang akademikong kasuotan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Heinrich Emmanuel Galabay, Supreme Student Council President ng ISU-Echague Campus, sinabi niyang pangunahing sentimyento ng mga estudyante ang pagtutol sa ISUgbit bilang academic regalia at ang mas malakas na kagustuhan na toga ang gamitin sa graduation.

Ayon kay Galabay, aprubado na ang ISUgbit sa pamamagitan ng Board of Regents resolution noong Enero 2025, ngunit nauna itong nasuspinde matapos ang mga petisyon ng estudyante. Sa ilalim din ng pamumuno ni ISU President Dr. Boyet Batang, pansamantalang pinakinggan ang hiling na ito. Gayunman, nakatakda na itong ipatupad ngayong 2026, na nagdulot ng mas pinalakas na pagtutol mula sa mga estudyante.

Giit niya, maraming estudyante ang nakasanayan at inaasahan ang toga bilang bahagi ng kanilang graduation, kaya’t nagdudulot ng kalituhan, pagkadismaya, at frustration ang biglaang pagbabago sa inaasahang kasuotan.

--Ads--

Ipinunto rin ng student leader na hindi naging tahimik ang mga student council mula sa iba’t ibang campus. Nagsagawa sila ng konsultasyon, nakipag-ugnayan sa student regent, at naglatag ng pormal na rekomendasyon kabilang ang alternative phased implementation upang mabigyan ng mas mahabang pag-aaral at konsultasyon ang polisiya.

Gayunman, aminado siya na limitado ang kanilang kapangyarihan dahil isa na itong aprubadong polisiya, kaya’t anumang pagbabago ay dumadaan sa mas mataas at pormal na proseso na nangangailangan ng oras—na kapos na ngayon dahil papalapit na ang graduation.

Sa kabila nito, sinabi niya na positibo silang pinakikinggan ng pamunuan ng unibersidad at may posibilidad pa itong marebyu at mabigyan ng amyenda. Kaya naman, mariing rekomendasyon ng student council ang pansamantalang pag-abolish o pag-suspend muna ng implementasyon ng ISUgbit upang muling mabuksan ang diskusyon at maibalik ang konsultasyon sa mga estudyante.

Iginiit ng student leaders na ang isyu ay hindi lamang tungkol sa ISUgbit o toga, kundi tungkol sa mas malawak na usapin ng pakikinig at pagbibigay ng boses sa mga estudyante, maayos na proseso, at aktibong partisipasyon sa mga desisyong may direktang epekto sa kanilang mahahalagang milestone bilang mga mag-aaral.

Samantala, patuloy ang kanilang panawagan sa board of regents na pansamantalang i-abolish ang naturang polisiya at pakinggan ang ninanais ng mga estudyante na isuot ang toga.