Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabalik sa 40% na taripa sa mga inaangkat na karne ng baboy at ang pagpapatupad ng dalawang buwang import holiday upang matulungan ang local animal industry.
Kasunod ito ng sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng baboy sa farmgate na nagpapabigat sa operasyon at kita ng mga lokal na magbababoy, na nagsagawa rin ng mga protesta sa labas ng tanggapan ng ahensiya.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi makatarungang patuloy na malugi ang mga local producer habang nakikipag-kumpitensya sa imported meat products.
Layunin ng mga panukalang hakbang na maprotektahan ang lokal na industriya, mapatatag ang presyo sa farmgate at mabigyan ng pagkakataon ang mga magbababoy na makabawi sa kanilang puhunan.
Gayunman, nilinaw ng DA na hindi pa pinal at hindi pa naipatutupad ang mga panukala dahil kinakailangan pa ang masusing pagsusuri at koordinasyon sa iba pang sangay ng pamahalaan, kabilang ang Tariff Commission.











