--Ads--

Nanindigan si Senador Ping Lacson sa kanyang naunang pahayag hinggil sa umano’y P700 milyong nagastos ng Senado sa loob ng 28 araw na panunungkulan ni Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President.

Sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, Hunyo 19, sinabi ni Lacson na bagama’t tama ang punto ni Cayetano na pareho lamang ang gastusin ng Senado anuman ang nakaupong Senate President, ang mahalagang sukatan aniya ay ang naging resulta o output ng pamumuno.

Ayon kay Lacson, ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang trabaho sa plenaryo at ang pagpasa ng mga panukalang batas, sa halip na mga kilos na hindi nakatutulong sa gawain ng Senado.

Iginiit din niya na kung walang maiaambag sa gawain ng institusyon ay mas mabuting huwag na lamang magdulot ng kaguluhan, at sinabing nasayang ang pera ng taumbayan dahil wala umanong naging makabuluhang output sa naturang panahon ng pamumuno.Ang pahayag ni Lacson ay tugon sa depensa ni Cayetano kaugnay ng mga alegasyon tungkol sa gastusin ng Senado sa panahon ng kanyang maikling panunungkulan bilang Senate President.

--Ads--