Itinakda na ng Sandiganbayan Fifth Division ang mga petsa para sa pagmamarka ng mga ebidensya sa kasong plunder na kinakaharap ni Senator Jinggoy Estrada at iba pang akusado.
Ayon sa korte, isasagawa ang exhibit marking sa Hulyo 3, 10, at 24, ganap na alas-9 ng umaga at ala-1 ng hapon.
Samantala, nakatakda naman ang pagdinig sa petisyon para sa piyansa sa Hulyo 8, 9, 13 hanggang 17, 20, at 27 hanggang 30 sa ganap na ala-1 ng hapon. Magpapatuloy ito sa Hulyo 31, alas-9 ng umaga.
Bago ang mga naturang pagdinig, isasagawa muna ang arraignment o pagbasa ng sakdal sa Hunyo 30.
Kabilang sa mga kapwa akusado ni Estrada sina dating Department of Public Works and Highways Secretary na si Manuel Bonoan at ilang opisyal ng engineering offices sa Metro Manila.
Nauna nang itinanggi ni Estrada ang mga paratang laban sa kanya at iginiit na may kaugnayan umano ang kaso sa kanyang paninindigan bilang bahagi ng independent majority bloc sa Senado.









