--Ads--

Binigyang-diin ng isang psychologist ang kahalagahan ng gabay ng mga magulang sa paggamit ng gadgets at online games ng mga bata kasunod ng mga naitatalang insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga menor de edad sa ilang paaralan sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Kathleen Custodio Joson, Psychologist, na maraming salik ang maaaring magtulak sa isang bata na magkaroon ng agresibong pag-uugali kabilang na ang karanasan sa bullying, kakulangan ng gabay sa tahanan, trauma, at labis na pagkakalantad sa mararahas na online games.

Ipinaliwanag ni Dr. Joson na ang bullying ay maaaring pisikal, berbal, sosyal, o cyberbullying, at nagdudulot ito ng matinding epekto sa mga biktima gaya ng pagkalungkot, pag-iwas sa pakikisalamuha, at pagkawala ng interes sa pagpasok sa paaralan.

Aniya, bagama’t may ilang positibong naidudulot ang online games tulad ng paghasa sa estratehiya at pakikipagkaibigan, nagiging mapanganib ito kapag sobra na ang oras na ginugugol dito at wala nang wastong paggabay mula sa mga magulang.

--Ads--

Sinabi rin niya na ang addiction sa online games ay maihahalintulad sa iba pang uri ng adiksyon dahil maaari itong makaapekto sa pag-iisip, emosyon, at pag-uugali ng isang bata.

Pinayuhan ni Dr. Joson ang mga magulang na limitahan ang paggamit ng gadgets ng kanilang mga anak, bantayan ang kanilang mga pinapanood at nilalaro online, at turuan sila ng tamang digital etiquette upang maiwasan ang impluwensya ng pagmumura, trash talk, at iba pang negatibong asal na karaniwang nakikita sa ilang online platforms.

Dagdag pa niya, mahalagang maging mapagmatyag ang mga magulang sa mga senyales tulad ng pagiging agresibo, madaling magalit, madalas na pag-iisa, at pag-iwas sa pakikisalamuha dahil maaari itong indikasyon ng mas malalim na problemang emosyonal na nangangailangan ng agarang atensyon at paggabay.