Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga guro na sumailalim sa pagsasanay kasama ang mga psychologist at psychiatrist upang matukoy ang mga posibleng senyales ng karahasan sa mga estudyante.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, layunin ng hakbang na matulungan ang mga guro na makilala ang mga pagbabago sa pag-uugali ng mga mag-aaral at maagapan ang mga problemang maaaring humantong sa karahasan.
Kasunod ito ng magkahiwalay na insidente kung saan isang 12-anyos na estudyante ang umano’y nagdala ng baril malapit sa isang elementary school sa Misamis Oriental, habang isang 13-anyos naman ang umano’y nanaksak sa kaniyang 11-anyos na kaklase sa Davao City.
Inatasan din ng Pangulo ang mga guro, magulang, opisyal ng barangay, at mga social worker na magtulungan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.
Kaugnay nito, palalakasin din ang pagbabantay ng mga opisyal ng barangay at mga tanod sa paligid ng mga paaralan.
Samantala, iminungkahi ng Department of Education ang paglalaan ng P500 milyon sa pambansang badyet para sa 2027 upang higit pang mapalakas ang seguridad at kaligtasan sa mga paaralan.











