--Ads--

Pinag-aaralan ng Senado ang mga posibleng hakbang upang mapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nakatakdang magsimula sa Hulyo 7.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, maaaring tumagal ng pito hanggang walong buwan ang paglilitis at posibleng umabot hanggang Pebrero 2027 kung hindi mapaiikli ang proseso.

Sinabi ni Gatchalian na kailangan ding matutukan ng Senado ang iba pang mahahalagang tungkulin nito kabilang ang pagtalakay sa panukalang Pambansang Badyet para sa 2027, mga panukalang batas, at mga nakabinbing imbestigasyon ng mga komite.

Aniya, ilalabas ng Senado ang pre-trial order at bibigyan ang magkabilang kampo ng tatlong araw upang magsumite ng kanilang komento bago tuluyang umusad ang impeachment proceedings.

--Ads--

Inihayag din ng Senate President na nakikipag-ugnayan sila sa prosekusyon at depensa upang mapag-usapan ang posibilidad na mabawasan ang bilang ng mga testigo at mapabilis ang presentasyon ng mga ebidensya.

Ayon kay Gatchalian, mahigit 10,000 ebidensya ang nakatakdang iharap sa impeachment court kaya kinakailangang pag-aralan ang mga paraan upang hindi humaba nang husto ang paglilitis.

Nakatakda namang simulan ng Senado ang pagdinig sa impeachment case ni Duterte sa Hulyo 7 bilang impeachment court.