--Ads--

Umabot sa 35 katao ang naiulat na nasawi sa magdamag na airstrikes at ground operation na isinagawa ng security forces ng Pakistan sa kahabaan ng border ng Afghanistan.

Ayon sa gobyerno ng Pakistan, inilunsad ang operasyon bilang tugon sa mga nagdaang terror attack sa bansa, kabilang ang pagsalakay ng mga militants sa headquarters ng Pakistan Rangers sa Karachi. Nanindigan si Information Minister Attaullah Tarar na mga kuta ng grupong Tehrik-e-Taliban Pakistan (TTP) ang kanilang tinarget at 29 na militante ang napatay sa operasyon.

Gayunpaman, mariing pinalagan ng mga opisyal at residente sa Afghanistan ang bersyong ito ng Pakistan. Ayon sa kanila, mga residential area, kabahayan, at moske sa mga lalawigan ng Paktika, Paktia, at Kunar ang tinamaan ng mga bomba. Ilang impormasyon din ang lumabas na mga sibilyan—kabilang ang mga bata, kababaihan, at matatanda—ang karamihan sa mga nasawi at mahigit 100 naman ang sugatan.