Hindi bababa sa 14 na bagong silang na sanggol ang nasawi matapos sumiklab ang sunog sa maternity ward ng Pakistan Institute of Medical Sciences (PIMS), isang pampublikong ospital sa Islamabad, Pakistan.
Ayon sa mga awtoridad, pinaniniwalaang nagsimula ang sunog matapos sumabog ang compressor ng isang air conditioning unit sa nursery kung saan inaalagaan ang mga sanggol. Isa lamang sa mga sanggol ang nailigtas ng mga manggagawa sa ospital.
Ikinuwento ng ilang saksi na nahirapan ang rescue teams na agad makapasok sa pasilidad dahil umano sa mga nakasarang gate at maling impormasyon sa lokasyon ng insidente. Gayunman, itinanggi ito ng pamunuan ng ospital.
Nagpahayag naman ng pakikiramay si Pakistani Prime Minister Shehbaz Sharif sa mga pamilya ng mga nasawi at iniutos ang agarang imbestigasyon sa insidente. Sinuspinde rin ang isang mataas na opisyal ng federal health department habang isinasagawa ang pagsisiyasat.
Matagal nang nakararanas ng kakulangan sa pondo, tauhan, at modernong pasilidad ang mga pampublikong ospital sa Pakistan, na madalas ding nakararanas ng mga insidenteng may kaugnayan sa lumang electrical systems.










