Posibleng maabot ng Magat Dam ang critical water level na 160 meters sa loob ng lima hanggang anim na araw kung magpapatuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig at hindi magkakaroon ng sapat na pag-ulan sa watershed.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), sinabi nitong nasa 164.56 meters na lamang ang water elevation ng Magat Dam as of 5:00 PM, kahapon.
Ayon kay Engr. Dimoloy, dahil sa kakulangan ng pag-ulan, nagsasagawa na sila ng serye ng pulong kasama ang mga irrigators’ association upang hikayatin ang mga magsasakang hindi pa nakapagsisimula ng pagtatanim na ipagpaliban muna ito upang maiwasan ang malaking pagkalugi.
Aniya, kabilang sa mga itinuturing na vulnerable areas ang ilang bahagi ng Reina Mercedes, Naguilian, Cauayan City, Gamu at Burgos, gayundin ang iba pang matataas at dulong bahagi ng mga apektadong sakahan.
Ipinaliwanag din niya na kapag umabot sa 160 meters ang water elevation ng Magat Dam, hindi na maipapadaloy ang tubig patungo sa Baligatan Diversion Channel, na maaaring makaapekto sa suplay ng tubig sa ilang sakahan.
Gayunman, tiniyak ni Engr. Dimoloy na ang Main Canal ay maaari pa ring mapatakbo hanggang 157 meters, kaya sisikapin pa rin nilang masuplayan ng tubig ang mga sakahang nakapagtanim na hanggang sa panahon ng anihan na inaasahang magsisimula sa pagitan ng Agosto at Setyembre.
Samantala, ipinatutupad na rin ng NIA-MARIIS ang rotational water distribution scheme upang matiyak ang maayos at patas na pamamahagi ng limitadong suplay ng tubig sa mga irigadong lugar.
Nakikipag-ugnayan na rin ang NIA sa Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya upang matulungan ang mga magsasakang may shallow tube wells bilang alternatibong mapagkukunan ng tubig. Bagama’t wala umanong sariling water pumps ang NIA, pinag-aaralan nilang makapagbigay ng fuel subsidy sa pamamagitan ng emergency funds upang mabawasan ang gastusin ng mga magsasaka sa pagpapatakbo ng kanilang mga water pump habang nananatiling limitado ang suplay ng tubig sa mga sakahan.










