Tiniyak ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) na mapatutubigan ang 78,000 ektarya ng lupang sakahan ngayong dry crop season, bagama’t may mga lugar na hindi muna masasaklaw ng kanilang programa dahil ito lamang ang kayang abutin ng kasalukuyang lebel ng tubig sa Magat Dam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, Manager ng Engineering and Operations Department ng NIA-MARIIS, sinabi niyang sa kabuuang 95,000 ektaryang operational area ng ahensya, tinatayang 17,000 ektarya ang hindi muna mapatutubigan sa ikatlong tranche ng patubig.
Kabilang dito ang bahagi ng Baligatan Diversion Dam na may program area na nasa 12,000 ektarya, ngunit nasa 6,400 ektarya lamang ang nakikitang kayang maserbisyuhan sa kasalukuyan.
Ayon kay Bermudez, ibinatay ang pagpaplano sa forecast ng PAGASA na nagsasaad ng posibilidad ng below-normal rainfall mula Nobyembre ngayong taon hanggang Pebrero 2027. Nasa 192.19 meters above sea level ang water elevation ng Magat Dam nitong Oktubre 15, alas-3 ng hapon, ngunit inaasahang bababa pa ito sa mga susunod na buwan.
Nilinaw niyang nakadepende pa rin sa magiging lebel ng tubig sa Magat Dam ang aktuwal na pagpapatubig para sa dry crop season ng 2027.
Samantala, nakikipagpulong na ang NIA-MARIIS sa mga magsasakang hindi kasama sa programa upang maipaliwanag ang limitasyon sa patubig. Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa Department of Agriculture at iba pang tanggapan upang matulungan ang mga apektadong magsasaka, kabilang ang pagsusulong ng mga alternatibong pananim o diversified crop na hindi nangangailangan ng maraming tubig.
Ayon sa NIA-MARIIS, nagsimula na ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya noon pang Agosto bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.











