--Ads--

Tiniyak ng National Irrigation Administration o NIA-MARIIS na matutuloy ang tatlong tranche ng irrigation schedule para sa darating na cropping season, kasunod ng pagtaas ng lebel ng tubig sa Magat Dam.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, Manager ng Engineering and Operations ng NIA-MARIIS, sinabi niyang umabot na sa 189.18 meters above sea level ang water level ng Magat Dam, mula sa dating nasa 181 meters.

Ayon kay Bermudez, nauna nang sinimulan noong Setyembre 15 ang unang tranche na sasaklaw sa humigit-kumulang 52,000 ektarya, kung saan nasa 3,000 ektarya na ang nagsimula ng pagtatanim.

Nakatakda namang ipatupad sa Setyembre 30 ang ikalawang tranche na sasaklaw sa tinatayang 25,000 ektarya, kabilang ang mga sakahan sa Cauayan, Aurora, Burgos at ilang bahagi ng Alicia.

--Ads--

Samantala, inaasahang sisimulan sa kalagitnaan ng Oktubre ang ikatlong tranche na sasaklaw sa humigit-kumulang 12,000 ektarya, kabilang ang mga downstream o tail-end areas sa Angadanan, Reina Mercedes at Naguilian.

Kasunod ng pagtaas ng water level at mga pag-ulan sa Magat Watershed, pansamantala ring isinantabi ng NIA-MARIIS at Department of Agriculture ang panukalang cloud seeding operations.

Pinaalalahanan naman ng NIA-MARIIS ang mga magsasaka na sundin ang itinakdang irrigation schedule at pagsumikapang matapos ang pagtatanim bago sumapit ang Nobyembre.

Layunin nito na matiyak ang sapat na suplay ng tubig at maayos na distribusyon nito, lalo na sa mga kritikal na buwan ng Enero at Pebrero.