--Ads--

Hiniling ng Senate Minority Group sa Korte Suprema na maglabas pa rin ng desisyon kaugnay ng kanilang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng pagkakahalal ng bagong liderato ng Senado noong Hunyo 3, 2026.

Pinangunahan ni Alan Peter Cayetano ang paghahain ng manifestation kung saan muling hiniling ng minority bloc na ideklarang walang bisa ang mga naging hakbang ng kampo ni Sherwin Gatchalian noong naturang sesyon.

Ayon kay Cayetano, mahalagang maresolba ng Korte Suprema ang isyu dahil maaari itong makaapekto sa nakatakdang impeachment trial ni Sara Duterte.

Iginiit ng minority bloc na hindi pa moot o academic ang usapin dahil may kaugnayan ito sa pagtukoy kung ilang boto ang kinakailangan sa impeachment trial, partikular kung isasama sa bilang ang mga senador na hindi pisikal na makadadalo sa paglilitis.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Cayetano na nananatiling miyembro ng Senado si Jinggoy Estrada kahit ito ay nasa kustodiya, kaya dapat malinaw na matukoy kung maaari ba siyang hindi isama sa bilang ng mga senador para sa impeachment proceedings.

Babala pa ng senador, kung hindi agad maresolba ang usapin bago magsimula ang impeachment trial sa Hulyo 6, maaari itong makaapekto sa integridad at operasyon ng Senado bilang institusyon.