Umarangkada ang England patungo sa Round of 16 ng FIFA World Cup 2026 matapos pataubin ang DR Congo, 2-1, sa likod ng matinding opensa ni Harry Kane.
Nabigla ang koponan ni Thomas Tuchel nang maagang makapuntos ang DR Congo sa pamamagitan ni Brian Cipenga sa ika-7 minuto. Ito ang kauna-unahang World Cup knockout match sa kasaysayan ng DR Congo, at muntik na nilang maitala ang isang malaking upset laban sa England.
Gayunman, dumating ang pagsagip ni Kane sa mga huling minuto ng laban. Sa ika-75 minuto, naitabla niya ang iskor matapos masalo ang isang mahusay na cross mula sa substitute na si Anthony Gordon at maipadala ito sa loob ng net.
Hindi nagtagal, muling umeksena ang England captain nang magpakawala siya ng isang napakagandang tira sa ika-86 minuto upang maitala ang panalong goal at kumpletuhin ang comeback ng kanyang koponan.
Dahil sa kanyang dalawang goal, umakyat si Kane sa kabuuang 13 World Cup goals sa kanyang karera, nalampasan si Brazil Legend Pele sa talaan ng mga nangungunang scorer sa kasaysayan ng torneo.
Sa panalong ito, haharapin ng England ang Mexico sa Round of 16 na gaganapin sa Azteca Stadium, kung saan magtatagpo ang dalawang koponan para sa karapatang makausad sa susunod na yugto ng World Cup.





