--Ads--

Tinatayang libu-libong deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng Isabela at karatig-lalawigan ang dumagsa sa National Shrine of Our Lady of the Visitation of Guibang sa Gamu ngayong Hulyo 2 para sa taunang kapistahan ng Mahal na Birhen.

Isinagawa ang mga banal na misa habang patuloy na dumarating ang mga mananampalataya mula sa iba’t ibang bayan ng Isabela at mga karatig-lalawigan upang mag-alay ng kanilang mga panalangin at debosyon.

Mahigpit din ang ipinatutupad na seguridad sa paligid ng simbahan. Nakaantabay ang mga tauhan ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, mga rescue team, traffic personnel, mga opisyal ng barangay, at iba pang volunteer group upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga deboto.

Nakararanas ng mabagal na daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng bayan dahil sa dami ng mga sasakyan at mananampalatayang nagtutungo sa simbahan. Gayunman, maayos namang pinamamahalaan ng mga traffic personnel ang sitwasyon upang mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan.

--Ads--

Samantala, naging maaliwalas ang lagay ng panahon. Bagama’t nakaranas ng panandaliang ambon kaninang umaga, maliwanag na ang kalangitan kaya mas naging maginhawa ang pagdagsa ng mga deboto.

Bukod sa pagdalo sa mga misa, marami rin ang nagsisindi ng kandila at taimtim na nananalangin bilang paghingi ng gabay, biyaya, at pasasalamat sa Mahal na Birhen.

Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang pagdiriwang ng kapistahan sa bayan ng Gamu.