Naghahanda ang New York para sa umano’y isa sa pinakamalalaking celebrity weddings ng taon matapos kumalat ang mga ulat na ikakasal na sina Taylor Swift at Travis Kelce sa linggong ito sa Madison Square Garden.
Bagama’t wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa magkasintahan, iniulat ng ilang media outlet sa Estados Unidos na magsisimula ang mga pagdiriwang sa isang exclusive dinner bago ang seremonya ng kasal. Tinatayang nasa 1,000 panauhin ang iimbitahan, kabilang ang mga kilalang personalidad gaya nina Gigi Hadid, Cara Delevingne, Selena Gomez, at Zoë Kravitz.
Ayon sa mga ulat, posible ring magtanghal sa selebrasyon sina Stevie Nicks, Tim McGraw, Ed Sheeran, at Paul McCartney.
Patuloy namang umiikot ang mga espekulasyon matapos mapansing may pagdami ng mga truck, kagamitan, at security sa paligid ng Madison Square Garden. Iniulat din na may mga pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada sa lugar.
Sa kabila ng lumalakas na usap-usapan, nananatiling tikom ang bibig ng kampo nina Swift at Kelce tungkol sa detalye ng kanilang umano’y kasal.











