Umaasa ang ilang miyembro ng Filipino community sa Canada na magiging daan ang apat na araw na pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Vancouver upang matalakay ang ilang usaping kinakaharap ng mga Pilipino roon, kabilang ang kanilang student residency status.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bombo International News Correspondent Bernice Abara sa Canada, sinabi nitong kasalukuyang nasa Vancouver si Pangulong Marcos para sa isang friendly at business visit, kung saan inaasahan ding makikipagpulong ito sa Filipino community sa mga susunod na araw.
Ayon kay Abara, positibo ang pagtanggap ng maraming Pilipino sa pagbisita ng Pangulo at umaasa silang mabibigyang-pansin ang kanilang panawagan, partikular ang sitwasyon ng ilang mga Pilipinong kasalukuyang nasa ilalim ng student residency status at naghahangad na maayos ang kanilang pananatili at mga dokumento sa Canada.
Aniya, umaasa rin ang Filipino community na maisusulong ng Pangulo ang mga programang makatutulong sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa naturang bansa.
Gayunman, sinabi ni Abara na may ilang indibidwal ding nagsagawa ng kilos-protesta sa labas ng hotel kung saan nanunuluyan si Pangulong Marcos. Bitbit ng mga ito ang mga plakard na may panawagang labanan ang umano’y korapsyon at nananawagan ng kanyang pagbibitiw sa puwesto.
Nilinaw naman niya na kakaunti lamang ang bilang ng mga nagprotesta at hindi ito nakaapekto sa mga aktibidad ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Canada.











