Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakapagselyo ang kanyang administrasyon ng humigit-kumulang $2.5 bilyong halaga ng pamumuhunan mula sa mga Canadian partner kasunod ng kanyang apat na araw na opisyal na pagbisita sa Canada.
Ayon sa Pangulo, bunga ito ng serye ng pakikipagpulong niya sa mga nangungunang negosyante at kumpanya sa Canada na nagpahayag ng interes na mamuhunan at palawakin ang kanilang operasyon sa Pilipinas.
Saklaw ng mga kasunduang naisara ang mga sektor ng pagmimina, critical minerals, enerhiya, information technology-business process management (IT-BPM), at digital economy.
Sa mga pulong kasama ang mga kumpanya sa IT-BPM sector, natalakay rin ang planong pagtatayo ng mga artificial intelligence hubs at learning centers sa bansa upang higit na mapaunlad ang kakayahan ng mga manggagawang Pilipino sa larangan ng artificial intelligence at digital technologies.
Dahil sa mga bagong pamumuhunang ito, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagpapabilis sa negosasyon para sa isang free trade agreement sa pagitan ng Pilipinas at Canada upang lalo pang mapalakas ang kalakalan at pamumuhunan ng dalawang bansa.
Malugod ding tinanggap ng Pangulo ang pagsali ng Canada sa Luzon Economic Corridor. Nangako ang pamahalaan ng Canada ng paunang 2 milyong Canadian dollars bilang suporta sa mga proyekto sa imprastruktura, pagpapalakas ng supply chain, at mga inisyatiba para sa malinis na enerhiya.
Kabilang sa mga kumpanyang nakipagpulong sa Pangulo ang B2Gold Corp., OceanaGold, TELUS, at NQX, na pawang nagpahayag ng interes na magpalawak o magtatag ng operasyon sa Pilipinas.











